Buwan ng Wikang Pambansa, Ramadan, Si Cory, Isang Kaganapan at Isang Magaganap

1 Aug

Kaunting paumanhin sa mga banyagang makakabasa nito na hindi marunong gumamit ng mga teknolohiyang magsasalin ng mga salita sa wika na kanilang nais.

Ito na ang ikaapat na taon kong “panata” na mangusap sa ating pambansang wika, ngunit sa mga nakaraang taon, Linggo ng Wika lamang siya kaya mas madali.  Bakit ko siya ginagawa?  Wala lang?

Paliwanag para lalong madiin:  Mabisa itong panglibang kung masyadong teknikal ang aking gawain.  Naikukubli ko ang aking poot sa aking banyagang kinaiinisan dahil hindi niya ako maiintindihan.  Para siyang magsasanay ng pagiging malikhain para sa akin.  Kahit kumportable ako sa wikang ingles, napagtanto ko sa mga taong ito na masarap ring manatili sa sariling wika, kaparis ng mga Arabo, Indyano, Intsik, Pranses at iba pang mga bansang sikat ang lengguwahe.  Kung lahat ng mga salita ay may pagsasalin sa Filipino, matutuwa ako.

Kaya lang, mapapanindigan ko kaya ito? Abangan.

Di ako masyadong natuwa nung mga nakalipas na 2 Ramadan na nasa Muslim na bansa ako dahil natapat ito sa aking kaarawan.  Di kami masyadong makapagsaya dahil ang aming mga kapitbahay ay nagtitika.  Ni hindi ako makapagdala ng kaunting handa sa opisina dahil pasok siya sa oras na bawal kumain o uminom man lang ng tubig na makikita ng nangingilin.  Kailangan patago.  Bagaman nakakatakot ang mga kalsada dahil ang mga nagmamanehong nangingilin ay parang mga hibang sa gutom at uhaw papunta sa mga iftar, masaya pa rin makisalo sa kanila at ang kanilang mga salaysay ukol sa pagdiriwang na ito sa mundo ng ating mga Muslim na kapatid.

Ngayon din ginugunita ang ikalawang taong kamatayan ng Dating Pangulong Corazon Aquino. Di man ako lubusang natuwa sa lahat ng kanyang ginawa at tinuran, nakakabilib pa rin ang kanyang mga nakamtan bilang isang babae, isang asawa, isang ina, at pangulo ng bansa.

Ang kaganapan na tinutukoy ko sa aking huling paskil na may temang pulitika ay nangyari sa aking kaibigang nagtatrabaho sa ibang bansa. Nagkataong siya at ang kanyang banyaga ring kaibigan ay namamasyal nung may demonstrasyon na natampok sa mga pandaigdigang lathalain at telebisyon. Sila ay may dalang mga camera kaya’t nanguha sila ng mga litrato.

Makaraan ng dalawang linggo, sila ay dinampot ng militar. Walang kasong ihinabla ngunit kinumpisa ang kanyang camera at binura ang mga kuha nung demonstrasyon at sinabihang huwag ikuwento ang ginawa sa kanila kahit kanino, lalung-lalo na sa nagbabalita. Pinakawalan ang aking kaibigan ngunit ang kanyang kasama na mula sa isang bansa sa Europa ay nakapiit pa rin hanggang ngayon. O di ba nakakatakot?

Dun ako sa bansang yun tutungo sa mga darating na araw upang pansamantalang manirahan at magtrabaho. Yun ang magaganap. Nyahaha.

Babalitaan ko kayo sa mga susunod na pangyayari. Susubukan kong lumayo sa gulo sa abot ng aking makakaya, pangako!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: